Dagupan City – Pinatibay ng Japan ang mga paghahanda at safety protocols para sa 20th Asian Games sa Nagoya, sa kabila ng mga pag-ulan, pagbaha at landslide na naitala nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, naging malaking bahagi ng paghahanda ng organizers ang pagtugon sa epekto ng flash flood na tumama sa Nagoya.

Ibinahagi ni Galvez na may mga nasira dahil sa pagbaha, habang nakapagtala rin umano ng landslide sa Fujira.

--Ads--

Sa kabila nito, nagpapatuloy ang mga aktibidad para sa Asian Games, kabilang ang mga basketball games na isinagawa bago ang pormal na opening ceremony.

Ayon kay Galvez, ilang linggo bago ang opening ay nagtungo na sa Japan ang ilang delegasyon at media upang makapaghanda para sa coverage ng mga laro.

Patuloy rin umano ang pagpapaigting ng protocols para sa kaligtasan ng mga atleta, opisyal at iba pang kalahok sa palaro.

Gayunman, sinabi ni Galvez na mas mahigpit ang naging pagpapatupad ng protocols noong 2022 Asian Games sa Tokyo dahil sa COVID-19 pandemic.

Samantala, kabilang sa mga tampok sa opening ceremony ang mga flag bearer ng mga bansang kalahok.

Sa usapin naman ng broadcasting, sinabi ni Galvez na may mga palaro at programa na saklaw ng broadcast rights ng malalaking media network at maaaring mangailangan ng subscription upang mapanood ang ilang coverage.