BOMBO DAGUPAN – Isang magnanakaw sa India ang nakatulog mismo sa panahon sana ng kanyang pagnanakaw dahil sa malamig na aircon.

Sa sobrang sarap ng kanyang tulog, ay natiklo ng mga pulis sa loob mismo ng nilooban nitong bahay kung saan nangyari ang insidente sa Lucknow, isang magandang village sa Uttar Pradesh sa bansang India kamakailan lamang.

Ayon sa ulat ng mga pulis ay mahimbing ang tulog ng magnanakaw matapos buksan ang air-conditioning unit ng bahay.

--Ads--

Nadiskubre naman na ring lasing ang salarin dahilan upang ito ay makatulog.

Kaugnay nito ay nagkataon kasing ang may-ari ay wala sa bahay dahil nakadestino sa Varanasi, isang bayan na malapit sa Uttar Pradesh.

Ang lasing na suspek ay dumaan sa front gate at nagtangkang tangayin ang pera, water pump, washbasin, at gas cylinder.

Samantala, noong nakita nito ang aircon, binuksan niya ito, kumuha ng unan, at humiga sa sahig kaya’t nakatulog ito sa lamig at sobrang kalasingan.

Napansin naman ng mga kapitbahay ng may-ari na nakabukas ang gate ng bahay nito kaya tinawagan nila ang doktor.

Agad tumawag ang doktor ng mga pulis para puntahan ang kanyang bahay at nadatnan ng mga pulis ang suspek na mahimbing na natutulog sa sahig na hawak-hawak pa ang cellphone nito.