DAGUPAN CITY- Arestado ang isang 23 anyos na lalaki sa Brgy. Liwa-liwa, bayan ng Bolinao matapos nitong saksakin ang kaniyang 2 kaibigan.
Ayon kay PLt. Col. Radino Belly, Chief of Police ng Bolinao PNP, kinilala ng suspek na si Danny Ocde, isang construction worker, at residente ng Brgy. Catungi, sa naturang bayan. Habang kinilala ang mga biktima na sina Fernando Cariño, 45 anyos at si Jerome Apelado, 23 anyos, parehong construction worker at residente sa nasabing lugar ng insidente.
Batay sa kanilang imbestigasyon, sinasamahan umano ng mga biktima ang suspek pauwi sa bahay nito sa Brgy. Catung, parehong bayan gamit ang motorsiklo ni Cariño matapos ang kanilang kasiyahan. Kalaunan ay nahulog ang suspek sa daanan dahil sa kalasingan nito. Tutulungan umano ito ni Cariño ngunit naglabas na ito ng balisong at sinaksak si Cariño sa tiyan nang walang rason. Sinubukan naman tulungan ni Apelado si Cariño nang masaksihan niya ang pananaksak subalit sinunod naman itong saksakin ng suspek sa kaniyang likuran.
Agad naman itinawag ng mga biktima ang pangyayari sa kapulisan at agad din silang dinala sa pagamutan. Gayunpaman, malayo naman sa kapahamakan ang natamo ng mga biktima.
Samantala, kasalukuyang nakapiit na ang suspek sa himpilan ng Bolinao PS para sampahan ng kaso.
Maaari umano ito humarap sa kasong Double Frustrated Homicide at maaari din magbayad ng bail bond.