Nagbabala si Marlyn Dela Cruz, ang Presidente ng transport group na BUSINA, na posibleng tuluyan nang mamatay o maglaho ang industriya ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas kung hindi agad kikilos ang pamahalaan upang tugunan ang krisis na kinakaharap ng mga drayber at operator.
Sa isang panayam, inihayag ni Dela Cruz ang matinding pasakit na dinaranas ng sektor, partikular na ang mga sumailalim sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program. Ayon sa kanya, ang kumbinasyon ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng krudo at ang bigat ng mga bayarin sa bangko ang unti-unting pumapatay sa kanilang kabuhayan.
Binigyang-diin ni Dela Cruz ang malubhang problema sa mga pautang mula sa bangko para sa mga modernong jeepney. Dahil sa taas ng presyo ng diesel, maraming drayber ang hindi na kumikita at hindi makabayad ng buwanang hulog. Sa halip na tulong, ang mga interes na hindi nababayaran ay ipinapatong umano sa principal amount, dahilan upang lalong mabaon sa utang ang mga kooperatiba.
“Talaga pong lubog na po ang transportasyon… ang matitindi pa ay talagang yung lubog ka na, nilulubog ka pa ng bangko,” ani Dela Cruz.
Idinagdag pa niya na ang maintenance ng modern jeep ay doble ang mahal kumpara sa tradisyunal dahil sa aircon at mga piyesa na kailangan pang i-import mula sa ibang bansa.
Bukod sa gastos, inirereklamo rin ng BUSINA ang kakulangan sa route rationalization. Dahil sa dami ng mga bagong mode of transport gaya ng mga e-trike, grab taxi, motor, at mga libreng sakay ng LGU, nababawasan ang mga pasahero ng mga lehitimong jeepney. Nagreresulta rin ito sa awayan sa kalsada dahil sa sobrang dami ng unit sa iisang ruta. Ayon kay Dela Cruz, sa 100 na nag-modernize, tila 20% lamang ang nagtatagumpay dahil sa maayos na ruta, habang ang iba ay bagsak na.
Bilang tugon sa mga suliranin sa sektor ng transportasyon, nananawagan ang BUSINA sa pamahalaan na ibalik ang service contracting o programang Libreng Sakay, kung saan sasagutin ng gobyerno ang bayad sa mga drayber at gastusin sa krudo upang makabiyahe nang libre ang mga commuter, kahit sa limitadong oras o mga araw lamang.
Hiniling din ng grupo ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang makontrol ang presyo ng langis, gayundin ang pagpapatupad ng maayos na route rationalization sa pamamagitan ng pagtatakda ng malinaw na bilang ng mga sasakyan sa bawat ruta upang maiwasan ang matinding agawan sa mga pasahero.
Sa huli, umapela si Dela Cruz kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tignan ang kanilang sitwasyon dahil marami na sa mga modernong jeep sa NCR ang balak nang sumuko at isurender ang kanilang mga unit kung hindi magbabago ang kalagayan.










