Iginiit ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na ang paglalagay kina Senador Ronald dela Rosa at Senador Bong Go bilang co-perpetrators sa umano’y extrajudicial killings noong anti-drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay labag sa soberanya ng Pilipinas.

Ayon kay Atty Ferdinand Topacio, PDP deputy national spokesman, tinutuligsa ng partido ang patuloy na panghihimasok ng International Criminal Court sa soberanya ng bansa sa pamamagitan ng ilegal na indictments laban sa mga halal na opisyal ng Pilipino.

Sinabi rin niya na wala raw hurisdiksyon ang ICC sa kaso laban kina Dela Rosa at Go.

--Ads--

Kasama rin sa listahan ng co-conspirators sina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II; mga dating PNP hepe na sina Oscar Albayalde, Camilo Cascolan, at Vicente Danao; dating PDEA chief Isidro Lapeña; at dating NBI director Dante Gierran.

Ani Topacio, ang Marcos administration umano’y “tumutulong sa paglabag sa soberanya ng bansa” para itago ang alegadong korapsyon at supilin ang lehitimong oposisyon.

Iginiit ng PDP na handa silang ipagtanggol ang dignidad at soberanya ng bansa sa lahat ng legal na paraan.

Walang pahayag mula sa Malacañang sa pananaw ng PDP, ngunit dati nitong sinabi na iginagalang nila ang anumang desisyon ng ICC sa kaso ni FPRRD.