Malakas ang hinala ng ina ng namayapang Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia, 19, na may foul play sa biglaang pagkamatay ng kanyang anak.
Kamakailan ay isinapubliko ng Ateneo De Manila University (ADMU) ang malagim na sinapit ng dalawang miyembro ng Ateneo Blue Eagles na sina Rene at Divine Adili, 21.
Ayon sa ulat, nalunod ang dalawa habang isinasagawa ang isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora, noong hapon ng June 8.
Halos ganito rin ang lumabas sa paunang imbestigasyon ng Police Regional Office 3 (PRO-3) kaugnay ng insidente.
Batay sa initial findings, nagsu-swimming umano ang dalawa nang tangayin sila ng malakas na agos patungo sa mas malalim na bahagi ng dagat.
Naisugod pa umano sina Rene at Divine sa pinakamalapit na ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si Rovelyn Baterbonia sa sinasabing dahilan ng pagkamatay ng kanyang anak.
Lalo na’t wala raw ni isa mang kinatawan ng Ateneo ang direktang kumausap sa kanya upang ipaliwanag ang tunay na nangyari.
Ayon kay Rovelyn, paalam lang daw ng kanyang anak, dadalo ito sa training bilang panibagong miyembro ng koponang Ateneo Blue Eagles.
Ayon kay Rovelyn, marami pa siyang tanong tungkol sa nangyari sa anak, kabilang na kung bakit hindi ito agad nasagip, at kung bakit, sa dinig niya, ay may mga pabigat na nakakabit sa kamay at paa nito habang lumalangoy.
Dahil dito, lumutang ang iba’t ibang espekulasyon hinggil sa naging training nina Rene at Divine, na maaaring naging dahilan ng aksidente.










