Dumako ang ilang nakatatanda o senior citizen sa huling araw ng pagpaparehistro ng mga botante ng Komisyon sa Halalan (COMELEC) sa Lungsod ng Dagupan, hindi upang magparehistro sa kauna-unahang pagkakataon, kundi upang ilipat ang kanilang rehistrasyon o reactivation ng kanilang pangalan sa listahan ng mga karapat-dapat na bumoto.

Isa sa mga dumalo si Nanay Teresita Lamsen, 69 anyos, na matagal nang naging Overseas Filipino Worker (OFW) sa Singapore.

Umuwi siya sa Pilipinas noong Pebrero 20 ngayong taon at permanenteng nanirahan sa Barangay Tambac matapos magretiro mula sa kanyang trabaho bilang domestic helper.

--Ads--

Sinamantala niya ang pagkakataong ito upang ilipat ang kanyang katayuan mula sa Overseas Absentee Voter patungong Regular Voter, upang makaboto siya sa darating na Halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (BSKE) 2026.

Ayon kay Nanay Teresita, matagal na siyang nakarehistrong botante habang nasa ibang bansa, ngunit limitado lamang ito sa mga posisyon sa pambansang antas.

Ngayon naman ay ito na ang kauna-unahang pagkakataon na makaboto siya para sa mga kinatawan ng barangay.

Hindi naman naging mahirap ang kanyang transaksyon dahil itinuturing na prayoridad at binibigyan ng espesyal na atensyon ang mga nakatatanda sa nasabing tanggapan.

Binigyang-diin niya na mahalagang panatilihing tama at aktibo ang pangalan sa listahan ng mga botante upang makatulong sa pagpili at paghalal ng mga karapat-dapat na mamumuno sa kanilang bayan.

Isa rin sa mga nakipagtransaksyon ay ang dating seaman na si Julian Fajardo, 64 anyos, mula sa Barangay Bonuan Gueset.

Matagal na siyang hindi nakakaboto noon dahil sa kanyang trabaho na madalas siyang wala sa bansa at palipat-lipat ang bansang kinaroroonan.

Ngayong taon lamang siya nagretiro matapos ang 35 taong serbisyo sa barko, at sinabi niyang ilalaan na niya ang kanyang oras at pagkakataon upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang mamamayang Pilipino lalo na sa pagboto.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon niya makaboto para sa mga posisyon sa antas ng barangay at Sangguniang Kabataan, dahil noong huli siyang nakaboto ay binata pa lamang siya.

Hinimok naman niya ang kanyang mga kapwa nakatatanda na hindi pa nakapagreactivate na gawin na ito habang may pagkakataon pa, dahil malaki ang magiging ambag nito sa pagpili ng mga karapat-dapat na mamumuno sa bansa.