Lubos ang naging pasasalamat ng mga nakatatandang residenteng naging benepisyaryo sa halos 4000 tumanggap ng tig-20 kilong bigas mula sa Local Government Support Fund ng pamahalaan sa ilalim ng BBM Rice Distribution Program na isinagawa sa bayan ng Calasiao kamakailan.
Ayon sa mga senior citizen, malaking tulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ang nasabing ayuda, lalo’t dama nila ang hirap ng buhay at hindi na rin kayang magtrabaho dahil sa kanilang katandaan.
Dahil wala nang sariling pinagkukunan ng kita o regular na hanapbuhay, karamihan sa kanila ay umaasa na lamang sa kaunting abot o tulong mula sa kanilang mga anak, pamangkin o kamag-anak.
Ito na ang pangalawang tranche ng pamamahagi ng ayuda sa bayan matapos silang mabigyan ng gobyerno ng naunang 20 kilo na Bigas.
Ayon sa mga residente, napakahalaga ng tulong na ito mula sa gobyerno, lalo na’t madalas silang mahirapan tuwing may dumadaang kalamidad at bagyo dahil itinuturing na catch basin ng baha ang bayan ng Calasiao.
Sinabayan pa ang hirap ng buhay dahil sa mga tumataas na bilihin at gastusin na nagpapalala ng sitwasyon sa kawalan ng sapat na pinagkukunan.
Umasa naman ang mga benepisyaryo na magpapatuloy ang mga ganitong programa ng pamahalaan upang patuloy na maiangat ang kapakanan ng mga sektor na pinakakailangan ng suporta.










