Dagupan City – Nakatakdang magsagawa ng aktibidad ang grupong Rise Up for Life and for Rights katuwang ang mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa Netherlands kaugnay ng confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Rubylin Litao, Coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, umaasa silang mas marami pang ebidensya ang mailalatag upang tuluyang makamit ng mga biktima ang hustisya.
Sinabi ni Litao na malaking pag-asa ang dala ng pagdinig para sa mga pamilya ng EJK victims na personal na nagtungo sa The Hague, Netherlands upang saksihan ang proseso ng paglilitis.
Umaasa aniya ang mga ito na magtuloy-tuloy na ang pag-usad ng kaso.
Nakatakda ring magsagawa ng sama-samang paglalakad at pagmamartsa ang mga grupo patungo sa ICC grounds, na susundan ng isang maikling programa bilang pakikiisa at pag-alala sa mga biktima.
Sa katunayan aniya, binigyan din umano ang ilan sa mga pamilya ng sertipikasyon na magbibigay-daan upang makapasok sila sa loob ng pagdinig.
Binigyang-diin ni Litao na ang mga pahayag umano ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya makadadalo ay isa lamang umanong palusot o alibi, lalo’t may nakasaad na proseso at malinaw na may nakatakdang paglilitis.
Dagdag pa niya, nakikita nila na ginagamit ng kampo ng dating pangulo ang lahat ng legal na hakbang na maaari upang makalusot sa confirmation of charges.
Ibinahagi rin ni Litao na nananatiling maayos, payapa at may paggalang ang sitwasyon sa labas ng ICC grounds, maging sa pagitan ng mga tagasuporta ng dating pangulo at ng mga pamilya ng mga biktima.
Nanawagan naman siya na ang kasalukuyang pagdinig ay maging pagkakataon upang maipakita ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas, at mabigyang-diin na walang sinuman—anumang estado sa buhay—ang dapat manaig sa pananagutan.










