Dagupan City – Nananatiling “pagpapanggap” ang mga pahayag ng pamahalaan na nasa maayos na kalagayan ang food security ng Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, aniya ang pangunahing suliranin ng mga Pilipino ay ang kakulangan ng pambili at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, may mga karatig-bansa na mas mahirap ang katayuan sa ekonomiya kumpara sa Pilipinas, ngunit hindi umano nakararanas ng parehong antas ng kakulangan sa pagkain o kagutuman at kabuhayan.
Binigyang-diin niya na mahalagang tutukan ng pamahalaan ang tunay na kalagayan ng food security sa bansa.
Isa umano sa mga pangunahing dahilan ng problema ay ang mababang kita ng mga magsasaka, na napipilitang ibenta ang kanilang mga produkto sa murang halaga sa mga trader at retailer.
Gayunman, pagdating sa mga pamilihan ay malaki na ang itinatataas ng presyo ng mga ito.
Dahil dito, sinabi ni Africa na parehong lugi ang mga magsasaka at mga ordinaryong mamimiling Pilipino sa kasalukuyang sistema ng kalakalan.
Binanggit din niya ang umano’y pagbagsak ng kita ng mga mangingisda at ang kakulangan sa distribusyon ng mga ayuda at programang ipinangako ng pamahalaan para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Ayon sa kanya, hindi umano lubusang naipararating ang mga benepisyo sa target na 40,000 magsasaka at mangingisda.
Tinawag ni Africa na “pagpapanggap” ang ipinapakitang performance ng pamahalaan sa usapin ng food security at suporta sa sektor ng agrikultura.
Aniya, sa kabila ng malaking pondong inilalaan ng gobyerno, hindi umano ito nararamdaman ng maraming Pilipino.










