Binigyang-diin ni Atty. Francis Dominick Abril, isang Legal at Political Consultant, na ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas ay nananatiling balido para sa mga kasong naganap noong panahon na miyembro pa ang bansa sa nasabing tratado.

Sa isang panayam, nilinaw ni Atty. Abril ang kalituhan hinggil sa desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Ayon sa kanya, ang ibinasura lamang ng korte ay ang hiling para sa isang Temporary Restraining Order (TRO) at hindi ang pangunahing petisyon na kumukwestyon sa hurisdiksyon ng ICC. Ang pagtanggi sa TRO ay bunsod umano ng kawalan ng “irreparable injury” o sapat na urgensiya, ngunit nananatili pang nakabinbin ang desisyon para sa “main petition”.

Ipinaliwanag ni Abril na kahit kumalas na ang Pilipinas sa ICC, ang mga krimen laban sa sangkatauhan na umano’y naganap habang miyembro pa ang bansa ay saklaw pa rin ng nasabing pandaigdigang hukuman. “Lahat po ng mga nangyari sa nakaraan bago tayo kumalas ay palaging saklaw pa po tayo ng ICC,” ani Abril. Dahil dito, hindi basta-basta ma-i-invalidate ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa dahil ang anumang magiging desisyon ng Korte Suprema ay dapat na “prospective” o para sa hinaharap lamang.

--Ads--

Tinawag na “fugitive from justice” ang senador dahil sa pag-iwas nito sa warrant na itinuturing ng Department of Justice (DOJ) na enforceable. Nagbabala rin si Atty. Abril na ang sinumang tumutulong, nagtatago, o nag-a-assist sa pagtakas ng senador ay maaaring maharap sa kaukulang kasong kriminal o administratibo. Partikular na binanggit ang sitwasyon ni Senador Robin Padilla na “nagsakay” kay Dela Rosa; ayon kay Abril, ang kaalaman sa sitwasyon ay maaaring mag-alis ng depensang “good faith”.

Pinuna rin ni Abril ang ibinigay na protective custody ng Senado kay Dela Rosa, na aniya ay hindi nagpapadala ng magandang visual message sa publiko at maaaring makasira sa reputasyon ng Senado bilang isang demokratikong institusyon. Binigyang-diin din niya na ang pagtatangkang lumabas ng bansa o pagtatago ay maaaring ituring na indikasyon ng pagkakasala (flight is an indication of guilt). Sa kasalukuyan, mahigpit umanong binabantayan ng Bureau of Immigration ang anumang posibleng pagtakas ng senador, legal man o sa pamamagitan ng “backdoor channeling”.

Pinaalalahanan din ni Abril ang mga opisyal, gaya ni Senate President Alan Peter Cayetano, na maging maingat sa kanilang mga pahayag sa media. Ang mga “juicy” na pahayag na tila nagtatanggol sa drug war ay maaaring gamitin bilang ebidensya sa ICC na posibleng makaapekto sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa huli, hinimok ni Atty. Abril ang publiko na manatiling nakatutok sa mga mapagkakatiwalaang balita at huwag magpadala sa mga maling impormasyon sa social media.