Nilinaw ni Senator Robin Padilla na ang kanyang hindi pagdalo sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo 27, ay hindi dapat ituring na pambabastos sa Pangulo.

Sa isang social media post, itinanggi ni Padilla ang mga kumakalat na haka-hakang sinadya niyang bastusin ang Pangulo sa pamamagitan ng kanyang pagliban sa SONA.

Ayon sa senador, bagama’t kabilang siya sa oposisyon, nananatili ang kanyang paggalang kay Pangulong Marcos bilang isang personal na kaibigan.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na pinili na lamang niyang huwag dumalo sa SONA upang maiwasang maulit ang naging sitwasyon noong 2024, kung saan naging kapansin-pansin ang kawalan niya ng reaksiyon habang pumapalakpak at nagbibigay-pugay ang ibang dumalo sa talumpati ng Pangulo.

Ayon pa kay Padilla, ang SONA ay araw ng Pangulo upang mag-ulat sa sambayanang Pilipino, kaya minabuti niyang huwag nang dumalo bilang paggalang sa okasyon at sa kanilang personal na ugnayan.

Bukod kay Padilla, hindi rin dumalo sa SONA ang ilan pang senador, kabilang sina Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, Pia Cayetano, Loren Legarda, Mark Villar, at Bong Go.