Nanindigan si Senator Robin Padilla sa kahalagahan ng pagsunod at paggalang sa Konstitusyon kaugnay ng usapin sa threshold o bilang ng mga boto na kinakailangan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Padilla, malinaw ang sinumpaan ng mga senador na tungkulin na pangalagaan, itaguyod at ipaglaban ang Saligang Batas.

Aniya, hindi maaaring basta-basta na lamang galawin o baguhin ang Konstitusyon para lamang umayon sa isang partikular na sitwasyon. Kung may nais na pagbabago sa Saligang Batas, dapat itong isagawa alinsunod sa itinakdang proseso.

--Ads--

“Hindi po ganoon kataas ang pinag-aralan ko, pero ipaglalaban ko ang konstitusyong ito hanggang sa dulo ng aking buhay” pahayag ni Padilla.

Binigyang-diin din ng senador na ang Konstitusyon ang dapat maging pangunahing batayan sa mga usaping kinakaharap ng pamahalaan, kabilang ang proseso ng impeachment.

Ang pahayag ni Padilla ay kasunod ng mga diskusyon sa Senado hinggil sa tamang interpretasyon ng Konstitusyon at sa bilang ng mga boto na kailangan upang umusad o magdesisyon sa impeachment trial.

Para kay Padilla, mahalagang sundin ang itinatakdang proseso sa halip na gumawa ng paraan upang baguhin o iangkop ang mga probisyon ng Konstitusyon sa kasalukuyang sitwasyon.