Sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng HIV sa bansa, binigyang-diin ni Anne Marie Trinidad, isang HIV advocate sa Urdaneta City, na ang pagdami ng naitatalagang kaso ay isang “win-win situation.” Ayon sa kanya, bagama’t nakababahala ang pagdami, indikasyon din ito na epektibo ang mga kampanya para mahikayat ang mga tao na magpasuri. Ang early detection o maagang pagtuklas sa kondisyon ang susi upang agad na masimulan ang kaukulang medikal na interbensyon.
Nilinaw ni Trinidad na ang HIV ay hindi isang “life sentence.” Sa ilalim ng programa ng Department of Health (DOH), ang mga taong may HIV (PLHIV) ay sumasailalim sa Antiretroviral Therapy (ART). Ang gamot na ito ay nagpapababa ng dami ng virus sa katawan hanggang sa maging undetectable at untransmittable, na nagpapahintulot sa isang indibidwal na mamuhay nang normal—makapag-aral, makapagtrabaho, at magkaroon ng pamilya.
Binigyang-diin din niya ang proteksyong hatid ng Republic Act 11166, na nangangalaga sa karapatan at pagiging kumpidensyal ng status ng mga PLHIV laban sa anumang uri ng diskriminasyon.
Aktibong umiikot ang City Health Office ng Urdaneta sa mga paaralan, unibersidad, at komunidad upang maghatid ng impormasyon. Nag-aalok ang kanilang opisina ng libre at confidential na HIV testing. Layunin ng mga HIV counselor na tulad ni Trinidad na magbigay ng suporta at empathy sa mga nagpopositibo upang hindi sila mawalan ng pag-asa.
Sa kabila ng mga pagsisikap, inamin ni Trinidad na may mga hamon pa rin, tulad ng kakulangan sa suporta mula sa gobyerno kaya umaasa pa ang ilan sa tulong mula sa Global Fund. Isinusulong din niya ang pagrebisa sa kurikulum upang maisama ang sex education at HIV awareness sa high school at kolehiyo.
Ang mensahe ni Trinidad sa publiko: “I-normalize natin ang HIV testing.” Dahil ang HIV ay kadalasang walang sintomas (asymptomatic), mahalaga ang pagiging responsable sa sarili at ang regular na pagsusuri.










