Patuloy na nakararanas ng malawakang pagbaha ang ilang bahagi ng Thailand matapos ang ilang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa panayam kay Rinse Galupo, Bombo International News Correspondent sa Thailand aniya, bagama’t umabot na sa peak ang pagbaha sa Bangkok at nagsimula nang bumaba ang tubig sa ilang lugar, nananatiling mataas ang water level sa mga pangunahing kanal at ilang komunidad.

Kabilang sa mga lugar na patuloy na nakararanas ng pagbaha ang silangang bahagi ng Bangkok at mga karatig na lugar.

Ayon kay Galupo, batay sa datos ng Bangkok Metropolitan Administration (BMA), mahigit 329,000 kabahayan o higit 700,000 katao ang naapektuhan ng pagbaha sa Bangkok.

Patuloy naman ang paggamit ng mga water pump at iba pang paraan upang mapabilis ang pag-drain ng tubig sa mga lugar na lubog pa rin sa baha.

Kasunod ng pagbaha, nakapagtala rin ng mahahabang pila sa ilang supermarket at convenience store dahil sa pagdagsa ng mga residente na bumibili ng pangunahing pangangailangan.

Ilan sa mabilis na naubos ang pagkain, inuming tubig at mga ready-to-eat food.

Gayunman, sinabi ni Galupo na hindi nangangahulugang nagpapanic na ang lahat ng residente.

Patuloy umanong mino-monitor ng Ministry of Commerce ng Thailand ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin at nakikipag-ugnayan sa mga retailer upang matiyak na may sapat na pagkain at iba pang pangangailangan sa mga lugar na apektado ng baha.

Ayon kay Galupo, maihahambing ang kasalukuyang sitwasyon sa mga malalaking pagbaha na naranasan sa Thailand noong 2010 at 2011.

Binanggit din niya ang mga ulat tungkol sa malawakang pagbaha noong 1996.

Ipinaliwanag niya na mas madaling bahain ang ilang bahagi ng Thailand dahil mabababang kapatagan ang mga ito.

Samantala, muli namang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga residenteng nasa mga delikadong lugar na sumunod sa mga evacuation order at lumikas kung kinakailangan.

--Ads--