Aabot sa mahigit P1Milyon na halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isang buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa Brgy. Nalsian, Calasiao, mag aalas-sais ng gabi kamakailan, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang itinuturing na high value individual (HVI).
Ayon kay PLt. Col. Quintin Casabar Jr, COP, Calasiao PNP, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PDEA RO1 at ng Calasiao Municipal Police Station, sa ilalim ng target intelligence packet, laban sa suspek na 39 anyos na binatang laborer at residente ng nasabing barangay.
Nasamsam sa operasyon ang 149.1 gramo ng hinihinalang shabu na may street drug price na tinatayang P1,013,880, na nakasilid sa tatlong heat-sealed plastic sachet.
Narekober din ang buy-bust money na P500 at boodle money na P1,000, at iba pang non-drug paraphernalia, at isang caliber .38 na baril at 16 na bala nito.
Dagdag pa ni Casabar, wala umanong lisensya ang kanyang baril at walang anumang permit na humawak ng kahit anong armas.
Ayon sa ulat, positibo sa drug test ang suspek at dati na umanong nakulong noong 2021 dahil din sa iligal na droga.
Samantala, nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy pang inaalam ng pulisya kung may mga kasabwat sa operasyon ganun din ang lalo pang pagpapaigting ng kampanya ng mga awtoridad laban sa malalaking supplier at tulak ng ilegal na droga sa Calasiao.










