Dagupan City – Patuloy na nararanasan ngayon sa Europa ang matinding heatwave na itinuturing na kabilang sa pinakamainit na naitala sa kasaysayan ng rehiyon.

Ayon kay Leo Brisenio, Bombo International News Correspondent sa France napakainit ng panahon sa France sa kasalukuyan dahil sa banta ng matinding init o heatwave.

Aniya, pangunahing apektado rito ang mga matatanda na siyang madalas biktima ng heatstroke.

--Ads--

Dagdag pa rito ang naitalang humigit-kumulang 40 kaso ng pagkalunod, na inuugnay sa pagdagsa ng mga residente at turista sa mga beach at ilog upang maibsan ang matinding init.

Sa ulat, ang normal na temperatura sa lugar ay nasa humigit-kumulang 27°C, ngunit kapag umabot na sa 35°C ay itinuturing nang heatwave. Sa kasalukuyan, pumapalo ang temperatura sa France at ilang bahagi ng Europa sa 41°C hanggang 43°C.

Dagdag pa ni Brisenio, umaabot hanggang alas-10 ng gabi ang paglubog ng araw tuwing tag-init sa Europa, na lalong nagpapahaba sa nararanasang init sa buong maghapon.