Umabot na sa halos 500 katao ang naaresto simula pa noong magsimula ang isang malawakang kilos-protesta sa Los Angeles na tumutuligsa sa mga polisiya ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Ang naturang pagkilos ay nagresulta sa serye ng kaguluhan, kabilang na ang pagnanakaw, gulo, at paninira sa mga pamilihan at establisyemento.

Ayon kay Isidro Madamba Jr, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos dahil dito ay inatasan ni US President Donald Trump ang pagde-deploy ng 700 National Guard troops at 500 Marines sa lugar upang masugpo ang kaguluhan.

--Ads--

Ngunit ito ay kinuwestyon ng lokal na kapulisan ng Los Angeles, maging ni California Governor Gavin Newsom, na nagsabing “hindi ito usapin ng seguridad kundi may halong pulitika.”

Giit ni Newsom, tila binabalewala ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan sa pagsugpo ng kaguluhan.

Samantala, ipinag-utos ni Mayor ng LA ang pagpapatupad ng curfew mula 8:00 ng gabi hanggang 6:00 ng umaga, upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod.

Apektado ang tinatawag na “1-square-mile area,” kung saan tinatayang 100,000 residente ang naapektuhan ng tensyon at curfew.

Sa patuloy na operasyon ng mga awtoridad, halos 500 katao na ang naaresto dahil sa iba’t ibang kaso ng karahasan at paglabag sa curfew.

Sa kabila ng mga hakbang, nagpapatuloy pa rin ang ilang kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Samantala, sa gitna ng tensyon sa Los Angeles, usap-usapan rin ang bangayan sa pagitan nina Elon Musk at Donald Trump.

Ang dalawa ay kapwa nagpapalitan ng mga patutsada at negatibong pahayag laban sa isa’t isa.

Kung saan nagsimula ang iringan sa mga isyung may kaugnayan sa artificial intelligence, green energy, at immigration policies.

Sa ngayon hindi pa malinaw kung ano ang magiging kahihinatnan ng nasabing alitan, ngunit umaasa ang ilan na magkakaroon din ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawang personalidad, lalo’t pareho silang may malaking impluwensya sa pampublikong diskurso sa Amerika.