Opisyal nang inihayag ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ang pagtatapos ng panahon ng Southwest Monsoon o “Habagat.”
Kasabay nito, pormal na rin nilang idineklara ang pagtatapos ng tag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon sa PAGASA, napansin ang unti-unting pagbabago sa weather pattern sa nakalipas na mga araw, kabilang ang paglakas ng high pressure system sa Silangang Asya, ang paggalaw ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) patungong timog, at ang malaking paghina ng hangin pati na ang pagbawas ng mga pag-ulan na dala ng Habagat.
Batay sa pangkasalukuyang pagtataya ng weather bureau, inaasahang magpapatuloy ang ganitong mga kondisyon sa mga susunod na araw, dahilan upang opisyal na ring tapusin ang panahon ng Habagat.
Bagamat tapos na ang tag-ulan sa mga nabanggit na lugar, tiniyak ng PAGASA na patuloy nilang susubaybayan ang pangkalahatang lagay ng panahon at klima sa buong bansa upang magbigay ng mga kaukulang payo sa publiko.










