DAGUPAN CITY- Mariing kinondena ng grupo ng mga mangingisda ang tila pakikiisa ni Sen. Rodante Marcoleta sa hindi pagkilala na pasok sa teritoryo ng Pilipinas ang Kalayaan Islands Group (KIG).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan ky Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, aniya, ang Arbitral Ruling noong 2016 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang patunay na kabilang sa teritoryo ng Pilipinas ang KIG.

Giit niya, hindi na makakilos nang malaya sa Kalayaan Islands ang mga Pilipinong mangingisda dahil sa agresibong kilos ng China Coast Guard.

--Ads--

Gayunpaman, sa kabila ng mga dagok na ito ay nais pa umanong isuko ng Pilipinong mambabatas ang teritoryo ng bansa sa China.

Binigyan diin niya na kanilang ikinalulungkot na mismong senador pa ng bansa ang nagiging “puppet” ng mga dayuhang nagpapahirap sa kanilang mga mangingisda.

Ang ganitong pag-uugali ay nagbibigay lamang umano ng karagdagang tapang sa China para sa kanilang panlulupig.

Hindi lang nito basta-bastang kinokondina ang pahayag ng senador at lalaban sila sa kanilang mga manipesto upang ipakitang hindi nila sinusuportahan ang mga hindi gumagalang sa soberanya ng Pilipinas.

Kanila rin iniimbitahan ang senador sa nasabing lugar upang makita nito ang tunay na kinakaharap ng mga mangingisdang Pilipino.