Usap-usapan ngayon sa social media ang pangalan ng influencer-actress na si Gela Alonte.
Ito’y matapos umani ng batikos online ang kanyang video patungkol sa pagbabahagi niya ng saloobin sa usaping political dynasty sa Pilipinas.
Lumalabas na sa TikTok live noong nakaraang taon ng actress narinig ang sagot.
Ito’y matapos na nagtanong ang netizen na: “What are your thoughts about political dynasties here in the Philippines?”
Sagot ni Gela, “Paano ba yan, nasa political dynasty yung pamilya ko.”
Hanggang sa natawa na lamang ito matapos niyang sabihin ang pahayag sabay dugtong niyang, “I mean, controversial.”
Si Gela ay anak ni Biñan City Mayor Angelo “Gel” Alonte, kapatid ni dating deputy speaker at Biñan Mayor Marlyn “Len” Alonte Naguiat.
Sina Mayor Gel at Len ay mga anak ng unang Alonte na namuno sa Biñan noong 1987—si former Biñan Mayor Bayani Alonte.
Dahil sa muling pagsulpot ng nasabing video ni Gela online, kaliwa’t kanang batikos ang kanyang natamo, mula sa netizens na hindi pabor sa umiiral na political dynasty sa bansa.
Hanggang sa nito lamang Hulyo 28, 2025, sa post sa X (dating Twitter) nagbigay ng pahayag si Gela tungkol sa muling paglutang ng viral niyang video.
Dito, inamin ng actress na nagkamali siya kung paano niya sinagot ang tanong sa kanya noon.
Aniya, pinagsisihan na raw niya ito noon pa man, kaya hindi aniya tama na muli itong ungkatin ngayon at gamitin sa kanya para siya’y husgahan.