Lubos ang pagluluksa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pagpanaw ni Mary Ann V. de Vera, 32 taong gulang, isang masipag na caregiver at tubong Basista, na nasawi sa isang pag-atake sa Tel Aviv, Israel noong gabi ng ika-28 ng Pebrero 2026.
Si Mary Ann ay isa sa milyon milyong overseas Filipino workers na buong tapang na nagtatrabaho sa ibang bansa upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Ang kanyang pagkasawi ay isang masakit na paalala ng sakripisyo at panganib na hinaharap ng ating mga kababayan alang-alang sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinapaabot ni Pangasinan Governor Ramon Guico III ang taos-pusong pakikiramay nito sa kanyang pamilya at nakikiisa sa panalangin para sa lakas at kapanatagan ng kanyang pamilya sa panahong ito ng matinding pagsubok.
Tinitiyak niya sa pamilya ang buong suporta ng Pamahalaang Panlalawigan, katuwang ang mga kinauukulang ahensya ng pambansang pamahalaan, upang maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong.
Kasabay nanawagan siya sa lahat ng Pangasinense na makiisa rin sa panalangin para sa kaluluwa ni Mary Ann maging ang kaligtasan at kapayapaan sa Middle East.
]
Samantala, kinilala rin ng gobernador ang agarang pagkilos at tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Israel.










