Isinailalim sa home detention ng mga awtoridad sa Estados Unidos ang Filipina nurse na inakusahan ng pagkakasangkot sa umano’y halos $1 billion healthcare fraud scheme.

Kinilala ang Filipina nurse na si Marizel Yukee, 49 taong gulang at residente ng Las Vegas, na inaresto sa Houston, Texas matapos maglabas ng warrant ang isang federal court noong Hunyo 18.

Nahaharap si Yukee sa ilang kasong may kaugnayan sa healthcare fraud, money laundering, at pagtanggap umano ng ilegal na komisyon kapalit ng mga referral ng pasyente.

--Ads--

Nabatid na umano’y pinangunahan ni Yukee ang isang $906-million fraud scheme na kinasangkutan ng Medicare at TRICARE, dalawang health insurance program sa Amerika.

Umabot din umano sa halos $297 million ang perang nabayaran ng Medicare at TRICARE dahil sa operasyon.

Bukod dito nakumpiska rin sa Filipina nurse ang humigit-kumulang $5.2 million halaga ng assets, kabilang ang mga cash, mamahaling sasakyan, at alahas.

Bahagi rin umano ng kinita ni Yukee ang pagtatayo nito ng isang beach resort na nagkakahalaga ng $4.6 million sa Santa Ana, Cagayan.

Hindi umamin sa mga paratang si Yukee at nagpasok ng not guilty plea sa lahat ng kasong isinampa laban sa kanya.

Pinayagan naman siyang makalaya habang hinihintay ang kanyang paglilitis matapos siyang makapag-piyansa ng $600,000 secured bond at $400,000 unsecured bond.

Hindi kailangang bayaran agad ang unsecured bond, ngunit maaaring pagbayarin si Yukee ng buong halaga nito sakaling lalabag siya sa kondisyon ng kanyang paglaya.

Kabilang narito ang pag-higpit ng kanyang galaw maliban kung papasok siya sa trabaho, pakikipagkita sa kanyang abogado, pagdalo sa mga hearing, at iba pang aktibidad na inaprubahan ng korte.

Inatasan din siyang magsuot ng GPS ankle monitor para masubaybayan ang kanyang lokasyon at isuko ang kanyang pasaporte.