Nanatiling mababa ang farm gate price ng ilang produktong agrikultura sa kabila ng patuloy na mataas na presyo ng langis sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sinabi nito na kung ihahambing sa nakaraang taon, mas mababa ang farm gate price ng mga produktong tulad ng baboy, manok, at itlog ngayong 2026 kumpara noong 2025.

Ayon sa kanya, hindi tumaas kundi lalo pang bumaba ang farm gate price ng mga naturang produkto ngayong taon.

--Ads--

Gayunman, ipinaliwanag niya na ang nakikitang mataas na presyo sa mga pamilihan ay hindi dahil sa farm gate price kundi dulot ng mahabang value chain sa merkado.

Ibig sabihin, dumaraan ang mga produkto sa iba’t ibang proseso at dagdag-gastos tulad ng pagbiyahe, pag-iimbak, pagproseso, at pagbebenta bago makarating sa mga konsyumer, kaya mas tumataas ang presyo sa retail market.

Giit pa ni Engr. So, hindi dapat nakatuon lamang ang mga economic manager sa taripa, kundi mas dapat bigyang-pansin ang direktang suporta sa mga lokal na magsasaka at producers upang mapalakas ang produksyon at mapababa ang gastos.

Dagdag pa niya, mahalaga ring isaalang-alang ang kakayahan ng mga konsyumer na bumili, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng ibang pangunahing bilihin at gastusin sa araw-araw.