Isang F-15 Strike Eagle ng U.S. ang napatumba sa timog-kanlurang Iran, na nagpasimula ng isang delikado at patuloy na search-and-rescue mission, ayon sa pinakahuling ulat.

Tinamaan ng putok mula sa Iran ang eroplano kaya ito bumagsak. Nakapag-eject ang dalawang sakay: ang isa ay ligtas nang nasagip, habang patuloy namang hinanahanap ang isa pa.

Naglunsad ang puwersa ng U.S. ng combat search-and-rescue operation na kinasasangkutan ng maraming sasakyang panghimpapawid. Sa mga kumakalat na video, makikitang may mga eroplanong militar sa lugar, kabilang ang isang C-130 Hercules na nagre-refuel ng mga helicopter habang nasa himpapawid.

--Ads--

Habang isinasagawa ang nasabing rescue mission, inatake naman ang mga tauhan nito. Dalawang Black Hawk helicopter ang tinamaan, na nagdulot ng sugat sa ilang crew, bagama’t ligtas na umano sila ngayon at wala na sa Iran.

Sa gitna ng operasyon, tinamaan din ang isa pang eroplano ng U.S.—isang A-10 Warthog—habang nagbibigay-suporta. Nakapag-eject nang ligtas ang piloto, ngunit kalaunan ay bumagsak ang eroplano sa Kuwait.

Naglabas ang state television ng Iran ng mga larawang sinasabing kuha mula sa bumagsak na F-15, kabilang ang mga debris at isang ejector seat. May mga video rin na nagpapakita ng mga taong naghahanap sa nawawalang crew member sa lupa.

Ayon sa ulat, hinikayat pa umano ng media sa Iran ang mga sibilyan na hulihin ang mga piloto at ibigay sa mga awtoridad.

Patuloy ang paghahanap ng U.S. gamit ang iba’t ibang aircraft para sa nawawalang sakay. Mahigit 18 oras na mula nang mangyari ang insidente, ngunit wala pa ring kumpirmasyon sa kanyang kalagayan.

Ayon sa mga opisyal, nananatiling aktibo at mapanganib ang sitwasyon habang nagpapatuloy ang rescue operations sa gitna ng banta ng panibagong pag-atake.