Hindi dapat basta balewalain ang madalas at malakas na paghihilik, lalo na kung sinasabayan ito ng paghinto-hinto ng paghinga habang natutulog.
Ayon kay Dr. Wilsky Delfin, Natural Health and Herbalist Consultant, ang labis na paghihilik ay maaaring senyales ng isang underlying health condition.
Sa panayam ipinaliwanag ni Dr. Delfin na karaniwang lumalala ang paghihilik kapag lubhang pagod ang isang tao, busog o marami ang kinain bago matulog, at lubos na nakakarelaks ang mga kalamnan sa bahagi ng daanan ng hangin.
Maaari ring magkaroon ng obstruction sa airway dahil sa iba’t ibang kondisyon gaya ng sinusitis, nasal polyps at iba pang problemang nakaaapekto sa paghinga. Dagdag pa rito, sinabi niyang maaaring maging risk factor ang sobrang timbang at ilang lifestyle habits.
Binigyang-diin ni Dr. Delfin na mas seryoso ang sitwasyon kapag napapansin na humihinto ang paghinga ng isang tao habang natutulog. Ang obstructive sleep apnea ay nangyayari kapag paulit-ulit na nababara o sumisikip ang daanan ng hangin habang natutulog, na maaaring magdulot ng pagbaba ng oxygen sa katawan.
Ayon sa kanya, hindi dapat isipin na “normal lang” ang matinding paghihilik, lalo na kung lumalala ito o may kasamang paghinto ng paghinga. Inirekomenda niyang magpakonsulta sa doktor upang matukoy kung may underlying condition na kailangang gamutin.
Mahalaga rin aniyang mabigyan ng pansin ang mga posibleng sintomas at huwag iwanang walang bantay ang isang taong nakikitang nahihirapang huminga habang natutulog.










