Naka-standby ang Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMATs) ng Department of Health (DOH) sa Luzon at Visayas para maglatag ng field hospital kasunod ng tumamang malakas na magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani umaga nitong Lunes, Hunyo 8.
Sa isang statement, sinabi ni Health spokesperson at USec. Albert Domingo na agad na ring in-activate ang mga crisis protocol sa DOH hospitals at Center for Health Development regional offices.
Nagsagawa rin ng rapid assessment sa katayuan ng mga health facilities ng DOH at lokal na pamahalaan para matiyak na ligtas ang mga ito na pagdalhan sa mga posibleng pasyente na naapektuhan ng lindol.
Nakahanda namang ideploy ang health emergency response team sa mga ospital ng DOH at sa mga Center for Health Development batay sa ground operations.
Nagpaalala naman ang DOH official sa lahat ng nasa lugar na apektado ng lindol na mag-ingat mula sa aftershocks at sumunod sa umiiral na tsunami warning.










