Personal na tinuruan at sinanay ng NBA star na si Dwyane Wade ang ilang Filipino basketball player sa Pilipinas sa Taguig City.
Nasa Manila ang 3-time NBA champion para sa brand activations at pag-showcases sa kaniyang signature shoes.
Humarap din ang dating NBA star sa ilang interactive fan events kung saan daan-daang Filipino fans ang nakibahagi.
Kasama ni Wade ang kilalang basketball trainer na si Chris Johnson sa pagtuturo sa mga piling basketball champions ng Palarong Pambansa na inaasahang kakatawan o papasok sa iba’t-ibang basketball team sa Pilipinas o sa ibang basketball league.
Nagkaroon ng pagkakataon ang mga batang manlalaro na makatanggap ng direktang coaching at training mula kay Wade, habang ipinapakita ng NBA champion ang kaniyang skills sa hardcourt.
Sa panayam kay Wade pagkatapos ng event, sinabi niyang matagal na niyang hinangad na makaharap ang kaniyang fans sa Pilipinas. Batid din umano niya ang kaniyang fanbase dito sa bansa, lalo na noong panahong naglalaro pa siya sa NBA.
Ayon pa kay Wade, personal niyang hiniling na makapunta sa Pilipinas, upang makausap at makasama niya ang mga tagahanga dito sa bansa.
Si Wade ay 13-time All-Star player at nakapagbulsa ng tatlong championship ring sa loob ng 16 na season niya sa liga.










