Sa kabila ng sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo, nahaharap pa rin sa matinding hamon ang sektor ng transportasyon sa Urdaneta City, ayon kay Ramon Ramos, Pangulo ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa lungsod.
Ibinahagi ni Ramos na dumarami ang mga tricycle driver sa kanilang lugar, kasabay ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw.
Dahil dito, marami na umano ang nananawagan na itaas ang pamasahe upang makasabay sa tumataas na gastos.
Gayunman, aminado siyang dumarating na sa punto ang kanilang hanay na napapatanong kung hanggang kailan nila kakayanin ang hindi pagtaas ng pasahe.
Nilinaw niya na hindi basta-basta maaaring magtaas ng singil dahil kinakailangan itong dumaan sa tamang legal na proseso.
Bagama’t may mga rollback sa presyo ng petrolyo, sinabi ni Ramos na hindi pa rin ito sapat upang maibsan ang bigat ng gastusin ng mga tsuper.
Patuloy pa rin aniya nilang nararamdaman ang hirap sa kabuhayan, lalo na’t apektado rin ang iba pang sektor tulad ng jeepney drivers, bus operators, at iba pang transport groups.
Nagbabala rin si Ramos na posibleng sumunod ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na lalo pang magpapahirap sa kanilang sektor.
Bagama’t aniya’y nakokontrol pa sa kasalukuyan, may pangamba siya na hindi ito magtatagal.
Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan na maglatag ng konkretong contingency plan upang matulungan ang sektor ng transportasyon sa gitna ng pandaigdigang hamon, kabilang na ang epekto ng mga geopolitical tensions sa presyo ng langis.
Sa ngayon, nananatiling matatag ang TODA sa Urdaneta City sa kanilang desisyong huwag munang magtaas ng pamasahe.
Subalit aminado si Ramos na kung lalala pa ang sitwasyon, maaaring mapilitan din silang sumunod sa ibang transport groups na humihiling ng dagdag-pasahe.










