Dagupan City – Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala pang nakatakdang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at prime commodities, kabilang ang bottled water, sa kabila ng inaasahang epekto ng Super El Niño sa bansa.
Ayon kay DTI Secretary Maria Christina Roque, wala pa silang natatanggap na kahilingan mula sa mga manufacturer para sa price increase ng mga pangunahing bilihin.
Sa katunayan aniya maaari ring tingnan ng publiko ang mga social media account ng DTI para sa listahan ng mga produktong minomonitor at iba pang kaugnay na anunsyo.
Sinabi rin ni Roque na may sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin sa merkado, kabilang ang bottled water.
Patuloy aniya ang pakikipag-ugnayan at pagmo-monitor ng ahensya sa mga manufacturer upang matiyak ang suplay ng mga produkto.
Dahil dito, hinikayat ni Roque ang publiko na huwag mag-panic buying o mag-imbak nang labis ng mga bilihin upang maiwasan ang posibleng kakulangan sa suplay.
Giit nito, patuloy nilang babantayan ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin, habang wala pang natatanggap na kahilingan para sa dagdag-presyo mula sa mga manufacturer.
Pagdating naman aniya sa holiday season, wala pa umanong nakikitang paggalaw sa presyo nito sa kasalukuyan at nakatutok muna sa ngayon sa pangunahing bilihin at prime commodities.










