Pinaigting ng Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan ang monitoring at enforcement ng Fair Trade Laws ngayong holiday season upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong ibinebenta sa merkado, kabilang ang Christmas lights, electrical supplies at appliances.

Ayon kay Natalia Dalaten, Assistant Regional Director I at Provincial Director ng DTI Pangasinan, dapat may Philippine Standard o PS mark ang mga locally manufactured na produktong sakop ng mandatory standards. Para naman sa imported products, kailangang may Import Commodity Clearance o ICC mark na makikita sa produkto o packaging nito.

Patuloy din ang pagbabantay sa presyo at supply ng mga kandila, baterya at iba pang produkto ngayong paparating ang Undas. Nanatili rin ang price freeze sa Pangasinan kasunod ng deklarasyon ng state of calamity noong Agosto 31, 2026, na nakatakdang ipatupad sa buong lalawigan hanggang Oktubre 30, 2026, habang may magkakaibang petsa ng pagtatapos sa ilang lugar.

--Ads--

Hinimok ng DTI ang mga negosyante na tiyaking sumusunod sa standards ang kanilang mga paninda at kumpleto ang kinakailangang clearance at certification. Pinayuhan naman ang mga mamimili na suriin ang expiration date, ingredients, lugar ng paggawa at iba pang detalye sa label bago bumili.

Para sa mga depektibo o kahina-hinalang produkto, maaaring unang lumapit ang consumer sa Consumer Welfare Desk ng establisyimento. Maaari ring magsampa ng reklamo sa DTI Pangasinan Provincial Office o pinakamalapit na business center, kasama ang resibo at iba pang ebidensya na makatutulong sa pagproseso ng reklamo.