Nagpapatuloy ang isinasagawang dredging, paglilinis at pangangalaga sa mga ilog sa Pangasinan bilang bahagi ng mga hakbang upang mapabuti ang daloy ng tubig at mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga komunidad.
Kabilang sa nilinis ang Parongking River, kung saan umabot sa humigit-kumulang 2.8 kilometro ang natapos na clearing operation.
Sa isinagawang paglilinis, tinatayang 5,861.5 cubic meters ng vegetation at 7,890 cubic meters ng silt at debris ang naalis mula sa ilog.
Samantala, nagpapatuloy naman ang clearing operation sa Marusay River, na may target na 4.3 kilometro.
Sa kasalukuyan, nasa 740 metro na ang nalinis sa Marusay River, kung saan 1,130 cubic meters ng vegetation at 8,664 cubic meters ng silt at debris na ang naalis.
Ayon sa mga namamahala sa proyekto, hindi man agarang solusyon sa problema sa pagbaha ang paglilinis ng mga ilog, mahalaga ang bawat bahaging nalilinis upang mapabuti ang daloy ng tubig at makatulong sa pagbawas ng panganib sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pag-apaw.
Patuloy rin ang koordinasyon sa LGU-Calasiao upang maisulong ang mga hakbang para sa mas maayos na daluyan ng tubig at mas ligtas na mga komunidad sa Pangasinan.
Inaasahang magpapatuloy ang mga clearing operation sa mga ilog bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na tugunan ang problema sa pagbaha at mapangalagaan ang mga pangunahing daluyan ng tubig sa lalawigan.










