DAGUPAN CITY- Inatasan ng Department of Labor and Employment Region 1 ang lahat ng mga negosyo sa kanilang nasasakupan na magsumite ng ulat hinggil sa retrenchment, permanenteng pagsasara, at pansamantalang paghinto ng operasyon.
Ayon sa abiso, kinakailangang isumite ng mga establisimyento ang kumpletong detalye ng kanilang mga hakbang, kabilang ang listahan ng mga manggagawang maaapektuhan o tuluyang mawawalan ng trabaho dulot ng naturang mga pagbabago sa operasyon.
Ayon sa DOLE Region 1, ang pagsusumite ng mga ulat ay isasagawa sa pamamagitan ng mga itinakdang online links na nagsimula noong Marso 31.
Layunin nitong mapabilis ang pagkalap ng datos at masubaybayan ang epekto ng retrenchment at closures sa hanay ng mga manggagawa sa rehiyon.
Dagdag pa ng ahensya, mahalaga ang agarang pagsusumite ng mga ulat upang matukoy ang eksaktong bilang ng displaced workers at agad na maipaabot ang mga programang tulong tulad ng employment assistance, livelihood support, at iba pang intervention ng pamahalaan.
Pinaalalahanan din ang mga employer na ang pagsunod sa reporting requirements ay bahagi ng kanilang obligasyon sa ilalim ng umiiral na labor regulations, at makatutulong upang mapanatili ang transparency at maayos na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga negosyo, at mga manggagawa.
Hinikayat naman ng DOLE Region 1 ang lahat ng mga establisimyento na makiisa at tumalima sa direktibang ito upang matiyak ang maagap na pagtugon sa mga isyu sa paggawa, lalo na sa panahon ng mga hamon na kinakaharap ng ekonomiya.










