Tiniyak ng PAMANA Water na nananatiling walang pagtaas sa minimum na singil sa tubig para sa residential at commercial consumers sa lungsod ng Dagupan, sa gitna ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyo at suplay ng tubig sa kanilang sakop na lugar.
Ayon kay Glenn Gomez, Branch Manager ng PAMANA Water Dagupan City, nananatili sa ₱182 ang minimum na singil para sa residential habang ₱364 naman para sa commercial users.
Aniya, patuloy ang operasyon ng 25 pumping stations na nagsusuplay ng tubig sa halos 100% o 31 barangay sa lungsod. Dagdag pa rito, pinalawak na rin ang network ng linya ng tubig mula 201 kilometro patungong 234 kilometro, na katumbas ng 33 kilometrong karagdagang pipeline.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 32,588 kabahayan ang naseserbisyuhan ng PAMANA Water mula sa mahigit 42,000 kabahayan sa Dagupan City, na katumbas ng halos 5,000 bagong koneksyon o tinatayang 20,000 bagong benepisyaryo mula nang mapalawak ang operasyon ng kumpanya.
Dahil sa matinding init ng panahon at pagtaas ng demand, ipinaliwanag ni Gomez na patuloy ang pagpapatupad ng mga proyekto upang mapatatag ang suplay ng tubig, kabilang ang pagdagdag ng mga bagong water source at deep well facilities sa ilang lugar gaya ng Bacayao Sur at Malued na dati ay nakararanas ng mahinang pressure at kakulangan sa suplay.
Isa sa mga pangunahing tagumpay ng proyekto ay ang pagpapabuti ng suplay sa Island barangays gaya ng Carael at Kalmay.
Ipinabatid din ang pagtatayo ng 2,500 cubic meter reservoir na may kasamang booster system upang mapalakas ang pressure ng tubig na umaabot hanggang sa mga lugar ng De Venecia, Lucao, at Downtown area.
Tiniyak ng PAMANA Water na magpapatuloy ang mga proyekto nito upang mapabuti ang serbisyo, habang pinananatiling abot-kaya ang singil sa tubig sa kabila ng patuloy na pagtaas ng demand at hamon sa suplay.










