Pinalalakas ng Department of Health Region 1 ang mga programang pangkalusugang pangkaisipan na nakatuon hindi lamang sa kabataan kundi pati sa mga magulang at guro upang mas matugunan ang lumalaking pangangailangan sa mental health.

Ayon kay Dr. Paula Paz Sydiongco, Regional Director ng Ilocos Center for Health Development, kabilang sa mga hakbang ang pagsasanay sa mga guro at magulang upang mas maunawaan ang emosyonal na pangangailangan ng mga kabataan.

Layunin nitong matulungan ang mga magulang, partikular ang mga ina at ama, na maging mas sensitibo at mapagmalasakit sa kalagayan ng kanilang mga anak.

--Ads--

Isinasama rin sa programa ang pagsasanay sa mga kabataan, lalo na ang mga student leaders, upang mapalawak ang kanilang kaalaman at kakayahan sa usaping mental health.

Sa pamamagitan nito, isinusulong ang peer-to-peer support kung saan ang mga kabataan mismo ang nagiging katuwang sa pag-aalaga ng kapwa nila kabataan.

Binigyang-diin din ng DOH ang kahalagahan ng wastong nutrisyon, regular na ehersisyo, at sapat na tulog bilang bahagi ng pangangalaga sa mental health.

Ayon sa ahensya, ang mga ito ay mahalagang pundasyon upang mapanatili ang maayos na kalusugan ng isip at katawan. Ang mga nasabing programa ay bahagi ng mas malawak na layunin ng Universal Health Care na gawing mas accessible at komprehensibo ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat, kabilang na ang mental health na isa sa mga prayoridad ng kagawaran.