Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan sa lahat ng Local Government Units (LGUs) na mahigpit na sumunod sa ipinatutupad na Anti-Epal Policy ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Gerald Gallardo, Provincial Director ng DILG Pangasinan, naipamahagi na sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at maging sa antas ng barangay ang memorandum circular kaugnay ng nasabing polisiya. Nakasaad dito ang agarang pagtanggal ng mga pangalan, larawan, at anumang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng gobyerno sa lahat ng proyektong pinondohan ng pondo ng bayan.
Aniya, may ilang LGU na ang nagsimula ng pagbabaklas ng mga ipinagbabawal na larawan at materyales. Tungkulin naman ng DILG na tiyakin ang pagsunod ng mga LGU sa nasabing memorandum.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi dapat gamitin o angkinin ng mga pulitiko ang mga proyekto ng pamahalaan bilang personal na promosyon.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006, obligado ang lahat ng provincial, city, municipal, at barangay officials—pati na ang mga tanggapan ng DILG sa central, regional, at field offices at mga attached agencies—na tiyaking walang makikitang pangalan, litrato, logo, inisyal, kulay, slogan, o anumang simbolo na mag-uugnay sa isang opisyal sa mga proyekto, programa, aktibidad, at pasilidad ng pamahalaan.










