Dagupan City – Dumagsa sa dalawang pangunahing pasyalan ng bayan ng Natividad ang mga turista at bisita mula sa ibat ibang lugar sa pagdiriwang ng Semana Santa at ngayong tag-init.
Binisita nila ang kilalang lugar gaya magandang tanawin sa Sky Plaza upang magmuni-muni at magninilay-nilay habang sa Maranum Falls ay para naman sa libangan, makapagpahinga at magrelaks sa paliligo sa pamamagitan ng preskong tubig mula dito.
Batay sa monitoring nf lokal na pamahalaan, tumaas ng malaki ang bilang ng mga bumibisita sa mga nakaraang linggo.
Samantala, para tiyakin ang kaginhawahan at kaligtasan ng lahat, aktibong nagtalaga ang lokal na pamahalaan ng mga tauhan sa mga nasabing lugar.
Tinututukan dito ang pagpapanatili ng kaayusan, pagtuturo sa mga bisita tungkol sa mga alituntunin, at pagpapanatili ng kalinisan ng mga pasyalan.
Mahigpit din namang pinaaalalahanan ang lahat ng bisita na panatilihin ang disiplina, sumunod sa mga batas at alituntunin sa mga pasyalan, at igalang ang kalikasan.
Binibigyang-diin din na isabuhay ang responsableng turismo upang mapanatili ang kagandahan at kagalingan ng mga likas na yaman ng Natividad para sa susunod na henerasyon.
Kaugnay nito, ang patuloy na pagdami ng mga turista ay patunay sa mabilis na paglago ng sektor ng turismo sa bayan ng Natividad.










