Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ‘walang naitalang Pilipinong nasugatan o nasawi sa dalawang malalakas na lindol na tumama sa Venezuela.

Ayon sa DFA, patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Bogota, Colombia, na siyang nangangasiwa rin sa mga Pilipino sa Venezuela.

Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa mga Pilipinong naninirahan sa Caracas at sa lungsod ng Barinas upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

--Ads--

Sa ngayon, sinabi ng DFA na wala pa silang natatanggap na ulat ng anumang pinsala o nasawing Pilipino dahil sa lindol.

Pinayuhan naman ng ahensya ang mga kababayan sa Venezuela na manatili sa ligtas na lugar at patuloy na makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at mga awtoridad.

Magugunitang ang ang magnitude 7.2 na lindol ay tumama sa kanlurang bahagi ng Caracas. Wala pang isang minuto nang sundan ito ng mas malakas na magnitude 7.5 na pagyanig.

Dahil sa lakas ng mga lindol, nagdeklara na ng state of emergency ang pamahalaan ng Venezuela upang mapabilis ang pagtugon sa mga apektadong lugar.