Naniniwala si Bombo International News Correspondent sa USA na si Atty. Arnedo Valera na ang ipinapakitang determinasyon at tibay ng loob ni Filipina tennis star Alex Eala ang maaaring maging susi sa kanyang tagumpay sa finals ng Mubadala DC Open. Aniya, isa ring malaking karangalan para sa bansa ang patuloy na pag-angat ni Eala sa international tennis.

Ayon kay Valera, inaasahang magpapatuloy ang laban nina Eala at world No. 3 Jessica Pegula bandang alas-12 ng tanghali bukas, oras sa Pilipinas.

Naantala ang inaabangang finals matapos maapektuhan ng malakas na ulan at pagkidlat ang Washington, D.C. Orihinal na nakatakdang magsimula ang laban alas-12 ng hatinggabi (oras sa Pilipinas), ngunit halos tatlong oras itong naantala dahil sa masamang panahon.

--Ads--

Nang maituloy ang laro, nakuha ni Pegula ang unang set, 6-4, at nakalamang pa sa ikalawang set, 2-1. Gayunman, muli itong itinigil bandang alas-4 ng umaga dahil sa panibagong lightning delay at patuloy na pag-ulan.

Bagama’t ikinadismaya ng maraming tagasuporta ang panibagong suspensyon ng laban, iginiit ng organizers na prayoridad ang kaligtasan ng mga manlalaro, opisyal, at mga manonood.

Matatandaang nagharap na sina Eala at Pegula sa Miami Open, kung saan nanaig ang Amerikanang tennis star. Ngayon, muling may pagkakataon si Eala na makabawi habang target ang kanyang kauna-unahang WTA 500 championship.

Samantala, inamin din ng mga organizers ng Mubadala DC Open na malaking bahagi ng pagdami ng mga manonood sa torneo ang paglahok ni Eala, patunay ng lumalaking suporta ng tennis fans sa Filipina athlete sa international stage.