Nagpahayag ng pangamba si Deputy Speaker (DS) at Pangasinan 3rd District Representative Rachel Arenas hinggil sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral na nakapagtatapos ngunit kulang sa mahahalagang kasanayan tulad ng pagbasa at pag-unawa, sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture.
Sa kanyang pagtatanong sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd), inusisa ni DS Arenas kung bakit mayroon pa ring mga estudyanteng nagkakamit ng academic honors kahit nahihirapang magbasa, at kung bakit maraming senior high school at college graduates ang nahihirapang makahanap ng disenteng trabaho matapos makapagtapos.
Ayon kay DepEd Regional Director Dr. Estela Leon-Cariño, ang pagkakaloob ng honors ay hindi lamang nakabatay sa kakayahang bumasa ng isang mag-aaral.
Ipinaliwanag niya na may mga pagkakataong nakapapasa ang mga estudyante dahil nakakakumpleto sila ng mga kinakailangang gawain at pagsusulit kahit may kakulangan sa reading proficiency.
Gayunman, sinabi ni RD Cariño na batid ng DepEd ang problemang ito at nagpatupad na ng mga pagbabago sa grading system ngayong taon upang mas maging angkop ang pagsusukat sa aktuwal na kakayahan ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin naman ni Deputy Speaker Arenas na nakararating sa kanyang tanggapan ang mga ulat mula sa mga komunidad tungkol sa mga estudyanteng naipapasa o naigagawad ng diploma kahit hindi pa sapat ang kanilang kakayahan.
Idinagdag pa niya na hindi nagkukulang sa talino at kakayahan ang mga Pangasinense.
Aniya, sa pamamagitan ng tamang gabay at mga angkop na kagamitan sa pag-aaral, mas marami pang kabataan ang maaaring magtagumpay at maging mga propesyunal sa hinaharap.










