Bumaba ng 13.9 porsiyento ang naitalang kaso ng dengue sa Region 1 ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health–Center for Health Development (DOH-CHD) Region 1.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sinabi ni Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH-CHD Region 1, na umabot sa 2,726 ang naitalang dengue cases sa rehiyon mula Enero hanggang Hunyo 27, 2026. Mas mababa ito kumpara sa 3,166 na kaso sa kaparehong panahon noong 2025.

Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga kaso, sinabi ni Bobis na nakapagtala pa rin ang rehiyon ng walong (8) pagkasawi dahil sa dengue.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na gumagamit ang DOH ng alert threshold at epidemic threshold upang matukoy kung may dengue outbreak sa isang lugar. Ang mga threshold na ito ay nakabatay sa limang taong surveillance data ng mga kaso.

Bilang paghahanda, naglabas ang Department of Health ng memorandum na nag-uutos sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital na magtatag ng Dengue Fast Lane upang mabigyan ng agarang atensiyong medikal ang mga pasyenteng pinaghihinalaang may dengue.

Ayon kay Bobis, ang mga pangunahing sintomas ng dengue ay mataas na lagnat na tumatagal ng dalawa o higit pang araw, pananakit ng katawan, panghihina, pagduduwal at pagkakaroon ng pantal.

Nagbabala rin siya na maaaring humantong ang sakit sa dengue hemorrhagic fever, kung saan nagkakaroon ng pagdurugo at bumababa ang platelet count ng pasyente.

Batay sa datos ng DOH Region 1, ang mga batang may edad 10 hanggang 14 taong gulang ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso ng dengue.

Dahil dito, muling nanawagan ang DOH sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, alisin ang mga pinamumugaran ng lamok, at agad na magpatingin sa pinakamalapit na health facility kapag nakaranas ng mga sintomas ng dengue.