Suspendido muna ang power disconnection para sa mga consumer na hindi makabayad ng kanilang electric bills hanggang matapos ang Hulyo billing period alinsunod sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon kay Atty. Randy F. Castilan, Chief Operating Officer ng DECORP, na iniutos ng ERC sa Meralco at iba pang private distribution utilities, at electric cooperatives sa bansa na pansamantalang itigil ang pagputol ng serbisyo ng kuryente sa mga consumer na hindi makabayad ng kanilang obligasyon.
Gayunman, sinabi niyang nagpapatuloy pa rin ang disconnection operations ng kumpanya para lamang sa hindi pa nababayarang bills noong Marso at Abril. Ipinaliwanag niya na ang mga billing para sa Mayo, Hunyo at Hulyo ay hindi muna magiging basehan ng disconnection. Saklaw naman ng kautusan ang lahat ng residential at non-residential customers.
Samantala, sinabi ni Castilan na ang mga consumer na may konsumo na 200 kilowatt-hours pababa ay maaaring mag-avail ng installment payment arrangement. Sa ilalim nito, maaaring hatiin sa tatlong buwan ang kasalukuyang billing at bayaran kada buwan hanggang Hulyo, bukod pa sa regular na buwanang konsumo mula Hunyo hanggang Hulyo.
Maaari rin namang bayaran nang buo sa Agosto ang accumulated bills kung hindi nais ng customer na mag-installment.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi na saklaw ng ERC advisory ang August billing period kaya maaari nang ma-disconnect ang mga hindi makakabayad nito sa susunod na buwan.
Gayunman, kinakailangan pa rin umano nilang bayaran ang generation at transmission charges.
Samantala, tiniyak ni Castilan na sa kasalukuyan ay may sapat pang operating margin sa power supply base sa monitoring ng system operator. Gayunman, nananatili umanong hamon ang posibleng shutdown ng ilang power plants na maaaring magdulot ng imbalance sa supply ng kuryente.
Nilinaw din niyang wala umanong kontrol ang Dagupan Electric Corporation sa generation at transmission issues dahil hindi ito bahagi ng kanilang business segment.
Umaasa naman ang kumpanya na walang magaganap na unscheduled outages o malawakang blackout sa mga susunod na araw.










