Dagupan City – Dalawang malalakas na lindol ang yumanig sa Venezuela at naramdaman din sa ilang bahagi ng Trinidad and Tobago.
Ayon kay Alan Tulalian, Bombo International News Correspondent sa Trinidad and Tobago naitala ang magnitude 7.5 at magnitude 7.1 na mga lindol sa Venezuela, na aniya ay humigit-kumulang pitong milya lamang ang layo mula sa kanyang kinaroroonan, dahilan upang bahagya rin niya itong maramdaman.
Bago pa man ang mga malalakas na pagyanig, nakapagtala rin umano ng magnitude 4.1 na lindol sa lugar, ngunit ito ay naganap sa bahagi ng karagatan.
Sa kasalukuyan, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan kaugnay ng mga lindol.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lawak ng epekto at pinsalang dulot ng mga pagyanig.
Nananatili ring nakaantabay ang pamahalaan para sa agarang pagbibigay ng tulong sa mga maaapektuhang komunidad habang hinihintay ang kumpletong ulat mula sa mga kinauukulang ahensya.
Inaasahan naman aniya na sa mga susunod na oras ay mailalabas ang mas detalyadong datos hinggil sa pinsalang idinulot ng mga lindol.
Samantala, agad na nagpalabas ng tsunami alert ang mga awtoridad kasunod ng pagyanig.
Gayunman, matapos ang masusing monitoring at pagsusuri sa sitwasyon, agad din itong ibinaba nang matiyak na wala nang banta ng mapaminsalang tsunami sa mga kalapit na baybayin.










