Dagupan City – Arestado ang dalawang hinihinalang drug personality matapos ang buy-bust operation ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa kabila ng masamang panahon noong Agosto 10, 2026 sa Dagupan City.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-12:25 ng tanghali ng mga tauhan ng Police Station 4, City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), City Intelligence Unit (CIU), at PNP DEG SOU1, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 (PDEA RO1), sa ilalim ng pamumuno ni City Director PCOL Arnold P. Solomon at supervision ni PMAJ Vladimer Custer C. Austria.
Nasakote ang dalawang residente ng Dagupan, isang 48-anyos na tricycle driver at isang 49-anyos na construction worker.
Nakuha sa mga suspek ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 21 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P142,800, kasama ang isang plastic chip, sling bag, leather wallet na may mga identification card, isang tricycle, at marked at boodle money na ginamit sa operasyon.
Isinagawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa lugar sa presensya ng mga suspek at kinakailangang mga saksi. Gumamit din ang mga operatiba ng body-worn at alternative recording devices alinsunod sa mga umiiral na panuntunan.
Dinala ang mga naarestong indibidwal at ebidensya sa Police Station 4 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso. Nakapiit na ang mga suspek sa DCPO Custodial Facility at inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










