Dagupan City – Naaresto ang dalawang 18-anyos na estudyante na lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng Asingan Municipal Police Station (MPS), sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1).
Isinagawa ang operasyon sa Barangay Domampot sa bayan ng Asingan na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na kapwa residente ng Urdaneta City.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 116.66 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nakalagay sa sampung heat-sealed transparent plastic sachet, na may standard drug price (SDP) na ₱13,999.
Narekober din ang 0.63 gramo ng hinihinalang kush na nakalagay sa isang self-sealing plastic sachet, na may SDP na ₱1,890.00, na umano’y naibenta sa poseur-buyer sa isinagawang transaksiyon.
Bukod sa mga hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin ang isang tunay na ₱500 buy-bust money, isang selpon, isang motorsiklo at isang perfume pouch.
Ayon sa pulisya, hinihinalang ibabagsak ng dalawang suspek ang pinagbabawal na droga sa kanilang parokyano malapit sa lugar.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kaukulang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.






