Dagupan City – Nakamit ng bayan ng Asingan at nag-iisang lokal na pamahalaan sa Region I na tumanggap ng pagkilala bilang Disability-Inclusive Municipality mula sa National Council on Disability Affairs (NCDA).
Iginawad ang parangal sa ginanap na NCDA Recognition Ceremony for Partners and Exceptional Filipinos with Disabilities, isang seremonyang nagbibigay-pugay sa mga indibidwal, organisasyon, at lokal na pamahalaang may natatanging ambag sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga person with disabilities (PWD).
Pesonal na tinanggap nina Asingan Mayor Carlos Lopez Jr., Social Welfare Officer I Princess Poon, at Municipal Social Welfare and Development Officer Teresa Mamalio ang parangal sa ngalan ng bayan.
Kinilala ang Asingan dahil sa tuloy-tuloy nitong pagpapatupad ng mga programang nagsusulong ng inklusibong pamayanan at pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan ng sektor ng mga PWD.
Mula nang ilunsad ng lokal na pamahalaan ang kauna-unahang programa para sa mga PWD noong 1996, patuloy nitong pinalalakas ang mga serbisyong pangkabuhayan, panlipunan, at iba pang suporta upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga taong may kapansanan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Lopez Jr. na hindi lamang nakatuon sa kabuhayan ang mga programa ng munisipyo para sa sektor.
Aniya, sama-samang kumikilos ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maihatid ang mga serbisyong kailangan ng mga PWD.
Hinikayat din ng alkalde ang iba pang lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga programang tunay na kumikilala sa dignidad, karapatan, at kapakanan ng mga taong may kapansanan.
Ang naturang pagkilala ay patunay sa patuloy na pagsisikap ng Bayan ng Asingan na makabuo ng isang inklusibong komunidad kung saan pinahahalagahan at iginagalang ang karapatan, dignidad, at kapakanan ng bawat taong may kapansanan.










