Binigyan na ng limang araw na palugit ng pamahalaang lungsod ng Dagupan ang mga pisonet operators upang itigil ang kanilang operasyon kasunod ng direktiba ni Mayor Belen Fernandez. Ayon sa alkalde, ang hakbang na ito ay tugon sa lumalalang problema sa seguridad, edukasyon, at mental na kalusugan ng mga kabataan sa lungsod.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Mayor Fernandez na nakatanggap ang kanyang tanggapan ng maraming reklamo mula sa mga magulang dahil sa hindi na pag-uwi ng mga anak na nalululong sa pisonet.
Kinumpirma rin ng mga school principal sa pagdinig ng Sangguniang Panlungsod na marami sa kanilang mga estudyante ang lumiliban sa klase para lamang makapaglaro sa mga nasabing establisyimento.
“We are very serious sa Dagupan City. Hindi ho kami papayag na ang ating mga bata po ay maapektado dahil sa pisonet,” pahayag ni Mayor Fernandez.
Sa kasalukuyan, matapos ang 10-araw na publication period, sinimulan na ang implementasyon katuwang sina City Legal Officer Atty. Aurora Valle, Dagupan City Police Office (DCPO) City Director Arnold Solomon, at iba pang department heads. May tatlo nang pisonet operators ang agad na binigyan ng notice upang huminto sa operasyon.










