Sa ilalim ng binuong pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), pormal nang itinataguyod ng Lungsod ng Dagupan ang mga komprehensibong programa upang matugunan ang pangangailangan ng mga “street vulnerables” at mapalakas ang serbisyong medikal para sa mga Dagupeño.

Isinusulong sa Sangguniang Panlungsod ang Draft Resolution Number 164-2026, isang resolusyon na nagbibigay-pahintulot sa Punong Lungsod na pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang DSWD para sa pagpapatupad ng Pag-Abot Program.

Ayon kay Councilor Danee Canto, ang layunin nito ay bumuo ng isang collaborative framework upang masiguro ang epektibo at mahusay na paghahatid ng serbisyo sa mga pamilya at indibidwal na nasa street situations sa loob ng lungsod.

--Ads--

Binigyang-diin naman ni Councilor Michael Fernandez na ang programang ito ay may espesipikong pokus sa mga pamilyang walang permanenteng tirahan at madalas na makikita sa mga kalsada. Inamin ni Fernandez na isang hamon ang pagtukoy sa eksaktong bilang ng mga benepisyaryo dahil sila ay palaboy, ngunit tiniyak niyang handa ang lungsod na tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sa ilalim ng kasunduang ito, nangako ang Pamahalaang Lungsod na magsasagawa ng regular at estratehikong reach-out operations sa mga lugar na may mataas na konsentrasyon ng mga street dwellers. Kabilang din sa mga tungkulin nito ang pagbibigay ng intermediate healthcare assistance sa mga benepisyaryong dadalhin sa mga center, pangunguna sa case management at pagsusumite ng quarterly reports sa DSWD, gayundin ang aktibong pakikilahok sa mga capability building activities at technical assistance.

Inanunsyo rin ni Councilor Joey Tamayo ang pagpapaigting ng mga programang pangkalusugan, kabilang ang kasalukuyang pagtatayo ng isang dialysis center at isang maternity center sa lungsod. Ang mga proyektong ito ay nakakakuha rin ng suporta mula sa DSWD.

Upang mas mapalawak ang saklaw ng serbisyo, tututukan ng lokal na pamahalaan ang tatlong pangunahing aspeto ng programa. Kabilang dito ang pagpapalakas ng transportasyong medikal sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga sasakyan at ambulansya para sa mas mabilis na paghahatid ng mga pasyente sa mga health center at ospital, pagtatayo ng mga karagdagang residential facilities para sa pangangalaga, at pagsisiguro na magiging available at accessible sa lahat ng health center sa ilalim ng programa ang mga basic checkup, laboratory services, at mga kinakailangang gamot.

Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng pangkalahatang layunin ng pamahalaang lungsod na gawing mas abot-kaya at de-kalidad ang serbisyo para sa bawat mamamayan, lalo na para sa mga sektor na pinakanangangailangan.