Binigyang-diin nina Konsehal Michael Fernandez at City Treasurer Randulf Ubando ang pagpapatupad ng isang bagong sistema na naglalayong gawing mas episyente at “business-friendly” ang lungsod sa pamamagitan ng pag-integrate ng barangay business clearance sa pagproseso ng mga permit.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa Ease of Doing Business Act (RA 11032). Ayon kay Ubando, layunin nitong itama ang naging “red mark” o mababang grado ng lungsod sa mga ebalwasyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Seal of Good Local Governance (SGLG) dahil sa mabagal na issuance ng barangay clearance at hiwalay na sistema ng pagbabayad.
Ipinaliwanag ni Fernandez na bilang lokal na pamahalaan, kailangang sumunod sa mga batas nasyonal dahil ang mga ito ay “superior” o mas nakatataas sa mga lokal na ordinansa. Ang anumang batas na kokontra rito ay ituturing na “ultra vires” o ilegal.
Sa ilalim ng iminumungkahing sistema, ang city government na ang tatayo bilang agent na maniningil ng bayad para sa barangay clearance ng 31 barangay sa lungsod. Ang mga pondong makokolekta ay idedeposito sa account ng bawat barangay linggu-linggo.
Lahat ng proseso ay gagawin na sa OSBC sa pamamagitan ng tatlong simpleng hakbang: Filing (pagpasa ng dokumento), Payment (pagbabayad ng fees), at Issuance (paglabas ng permit). Hindi na kailangan pang magpabalik-balik ang mga aplikante sa iba’t ibang ahensya o sa barangay hall.
Obligado namang sumagot ang mga barangay sa mga request para sa clearance sa loob ng tatlong working days. Kapag walang tugon sa loob ng panahong ito, ituturing ng OSBC o City Treasurer’s Office na aprubado o “granted” na ang clearance.
Upang maiwasan ang logistical na hamon ng pagkakaroon ng 31 kinatawan mula sa bawat barangay sa OSBC, iminungkahi ni Ubando ang paggamit ng isang “masterlist” ng mga negosyong naka-blacklist. Ang mga negosyong nasa listahan—gaya ng mga may problema sa ingay o basura—ang tanging hindi iisyuhan ng clearance ng lungsod hangga’t hindi nila inaayos ang kanilang atraso sa barangay.
Nilinaw ng mga opisyal na hindi mababawasan ang kapangyarihan ng mga barangay. Ang mga opisyal pa rin ng barangay ang may huling pasya kung nararapat bang bigyan ng clearance ang isang negosyo. Mananatili rin silang “frontliners” sa pagpapanatili ng kaayusan, kapayapaan, at pagsiguro ng pag-unlad ng ekonomiya sa kanilang nasasakupan.
Inaasahang sa pamamagitan ng koordinasyong ito, mas mapapabilis ang pagsisimula at renewal ng mga negosyo sa Dagupan, mula sa malalaking establisyimento hanggang sa maliliit na grocery sa mga barangay gaya ng Malued.










