Dagupan City – Pinalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “Alas-Kwatro Kontra Mosquito” program sa Barangay Caranglaan nitong Hunyo 24.

Pinangunahan ng City Health Office sa pamumuno ni Dr. Julita De Venecia ang aktibidad bilang bahagi ng pinaigting na dengue prevention program ng lungsod kasabay ng pagsisimula ng tag-ulan kung kailan karaniwang tumataas ang bilang ng mga kaso ng dengue.

Nakiisa rin sa kampanya sina Sangguniang Panlungsod Committee on Health Chairperson Councilor Dra. Jaja Cayabyab, Dr. Samuel Manaoat, Nurse IV Tina Cayabyab, at mga Barangay Health Workers na nagsasagawa ng information drive at iba pang hakbang upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.

--Ads--

Sa naturang aktibidad, namahagi rin ng mga anti-mosquito chemicals at iba pang kagamitan na gagamitin sa mosquito control operations sa komunidad. Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa Department of Health sa patuloy nitong suporta sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kinakailangang suplay para sa dengue prevention efforts.

Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng mga opisyal ng kalusugan ang publiko na sundin ang “Taob, Taktak, Tuyo at Takip” na pamamaraan upang maiwasan ang pamumugaran ng mga lamok sa kanilang mga tahanan at paligid.

Ayon sa City Health Office, mahalaga ang pakikiisa ng bawat pamilya at komunidad upang mapanatiling mababa ang bilang ng mga kaso ng dengue at maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Patuloy namang magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng mga kahalintulad na aktibidad sa iba pang barangay bilang bahagi ng kampanya upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Dagupeño laban sa dengue.